Tuesday, September 29, 2015

Binulag ng Pangarap (Isang Tula)

Binulag ng Pangarap


Liwanag ng diwa mula pagkabata

Sa puso at isip kaniyang kinalinga

Ayaw na madumhan ng maling akala

Pilit nilalaban ang panig na tama


Ngunit nang lumaon ang mga panahon

Dahil sa pangarap isipa'y natuon

Ang paninindigang dati'y nakabaon

Ngayo'y nayayanig at ibig itapon


Hilaw na layuning ibig na abutin

Sumira ng budhing dati'y anong hinhin

Sukdulang kumampi sa panig ng dilim

Makamit niya lamang pangarap na bituin


Huwag tayong pabulag sa ating pangarap

Manindigan tayo sa tunay at tapat

Sandaling pagsikat maningning na kislap

Sa pagdapit hapon ay kusang aandap


Ngunit kung sa tama ay maninindigan

Ay mabuting wakas ang kahihinatnan

May pagtitiis at mga pagluha man

Tamis ng tagumpay ang sa 'yo ay laan