Tula para sa mga may asawa
Sa aking paglinga saan man magpunta
Ay may isang bagay laganap talaga
Pakikiapid at ang pangangalunya
Sa Pilipinas man o sa ibang bansa
Hindi na mabilang nasirang pamilya
Dahil sa paglabag sa utos ng Ama
Lalake't babae ay dapat magsama
Maliban na lang kung patay na ang isa
Kakatwa naman ang isa kong kilala
Kaya daw nag-abroad para sa pamilya
Subalit nang siya ay kumikita na
Nalimot ang dahil nang pag-alis niya
Bakit pagpapalit mo ang kaligtasan
Sa sangdaling aliw na dulot ng laman
Pagdating ng araw hindi mo ba alam
Ikaw ay haharap sa Dios na hukuman
Ang palaging talo sa ganitong gawa
Ay ang mga anak na iwan sa gitna
Kapag si lalake ay mayron nang iba
At si babae man iba na'ng pamilya
Kaya ang payo ko bawa't may asawwa
Matakot po sa Dios sundin ang utos Niya
Tratuhing sagrado ang pag-aasawa
Ang pagsira diya'y mayroong parusa
Kung hindi mo kaya na ika'y malayo
Hwag ka nang umabroad para iwas tukso
Kaysa may pera nga ngunit kalunyero
Impierno ang punta ng kaluluwa mo
At kayo naman po na kababaihan
Sa gawaing mali huwag pakasangkapan
Kung alam mo na ngang may pananagutan
Huwag mo nang tuksuhin at dikit-dikitan
Ang mga prostitute kung 'yong gagamitin
Ay sakit na tulo ang maaring kamtin
At kung minamalas ang 'yong sasapitin
AIDS na walang gamot sa iyo'y darating
Magkasiya ka na lang sa iyong asawa
Parehas din naman pag nakaraos na
Kaysa mambabae o manlalake ka
Ang kaluluwa mo'y mapapahamak pa
Para maingatan inyong pagsasama
Tamis ng pag-ibig huwag ninyong iwala
Hopiang pasalubong sa iyong asawa
Tulong pampatibay inyong pagsasama
Kung malayo naman po sa isa't isa
Chat tawag email huwag magpapabaya
Lagay ng asawa laging makumusta
At hindi lang kapag mayroong suweldo siya
Maraming salamat sa inyong pagbasa
Sana ay mapulot aral na maganda
Buhay may asawa magiging masaya
Kung magiging tapat lang sa isa't isa