Pag-ibig Kabayan
Bayang kasaysaya'y sinulat ng dugo
Ng kabayanihan at pagkakanulo
Sa dusa ng iba ang laya'y natamo
Kasarinlang sigaw ng lahing bilanggo
Tunay bang kalag na mga tanikala
Ng pagkaalipin ating mga diwa?
Pagka't kung tantuin tayo'y sikil pa rin
Sa sariling baya'y animong alipin
Alipin ng liko at palalong puso
Ng diwang mataas at tabil na nguso
Kapuwa'y pinapatay ng bugso ng puso
Pitik ng daliri ang siyang gatilyo
Kapuwa Pilipino nagpapataasan
Binababag kapuwang iba ang isipan
Pagka't hindi ibig ang napupusuan
Ang ganti'y tungayaw pag napupulaan
Isang gintong bagay sa ati'y nawala
Kaya ating lahi'y tila pariwara
Dili't ang pag-ibig na laan sa kapuwa
Hirap hagilapin sa puso ng madla
Pag-ibig kabayan dapat mong matanto
Ang pipigil sa 'ting mga pagtatalo
Kung mahal kita at mahal mo ako
Kapuwa igagalang mapiling iboto
Pinakamabuting ating magagawa
Iusal sa Dios lagay niyaring bansa
Na wag Niyang itulot sa sakim mapunta
Ang luklukang mahal ng pamamahala
Mga politiko darating yayaon
At mapapalitan sa anim na taon
Nguni't ang kapatid kaibigang laon
Makakadaupan mahabang panahon
Ang pamanhik ko po huwag tayong mag-away
Pagka't politika'y maliit na bagay
Sinomang maluklok, tayo ay dumamay
Gumawang mabuti at huwag maging tambay