Puso
Ngiti at paggalang na usal sa labi
Mabubuting bagay na namumutawi
Ngunit natatagong sa loob ay sidhi
Ng pusong magaling maglingid magkubli
Hindi masusukat sa tindig at porma
Layuni'y dalisay o may dayang dala
Pagka't walang tao na makakakaya
Na puso'y arukin at mapagkilala
Puso ang simula masasamang gawa
Poot, pagnanakaw, pangangalunya
Kung di malilinis mapapariwara
Sapagka't ang puso totoong masama
Ngunit kung ang puso'y malinis dalisay
Tunay na bubuti tanang pamumuhay
Kung salita ng Dios, maimbak mataglay
Ito ang sa yo'y sa tuwina'y gagabay
Mayro'ng isang taong mataas mayaman
Sa nilakhang lugar ay iginagalang
Nguni't kaniyang puso ay marumi naman
Sa harap ng langit walang kabuluhan
Sa kabilang banda ay may isang dukha
Nilalait-lait inaalimura
Ngunit kaniyang puso'y malinis sa Ama
Anong pagkabuti kalagayan niya
Mga asong sakim nanakmal ng dukha
Sa puting abito nagtago ng sala
Kung magpamarali'y banal manalita
Nguni't mga puso ay ubod ng sama
Ating mga puso maingatan nawa
Ilayo sa atin pakunwaring gawa
Gumawang matapat maging sa salita
Kung magtatagumpay kakamti'y biyaya
Sa kabilang banda ay may isang dukha
Nilalait-lait inaalimura
Ngunit kaniyang puso'y malinis sa Ama
Anong pagkabuti kalagayan niya
Mga asong sakim nanakmal ng dukha
Sa puting abito nagtago ng sala
Kung magpamarali'y banal manalita
Nguni't mga puso ay ubod ng sama
Ating mga puso maingatan nawa
Ilayo sa atin pakunwaring gawa
Gumawang matapat maging sa salita
Kung magtatagumpay kakamti'y biyaya