Sunday, May 10, 2015

Ina

Ina


Maging sino ka man, mahirap, mayaman

May pinag-aralan at maging ang mangmang

Isang tiyak na bagay di matututulan

Ikaw ay may ina na pinanggalingan


Ang ika'y lumitaw, mabuhay sa mundo

Utang mo nang loob sa nagluwal sa 'yo

Di ka pina-abort mahal kang totoo

Siyam na buwang nagtiis ng pagdala sa 'yo


Sa pagdadala ng singkad na siyam na buwan

Pagtitiis niya'y di nagtatapos diyan

Sa hirap manganak na pinagdaanan

Siya'y halos nalapit na sa kamatayan


Sa iyong paglabas hirap ay napawi

Lumakas ang loob sa bawat mong ngiti

Sa pag-aaruga at pagkakandili

Tuloy ang tiisin sa bawa't sandali


Anoman ang lagay kaniyang hanapbuhay

Tiyak na nagbabata ang mahal mong nanay

Inang nasa abroad homesick umaaray

Inang house wife naman sa gawaing bahay


Ngayong nagkaisip at malaki ka na

Huwag mo naman sanang dabug-dabugan siya

Kung nagagawa mong igalang ang iba

Di ba't lalo dapat ang mahal mong ina?


Pinakamabuting iyong magagawa

Idalangin tuwina ang kalagayan niya

Pagka't ang Amang Dios na dakila

Sakdal na kalinga Kaniyang magagawa


Huwag kang magtatampo kung pagwiwikaan

Kung ginagabi ka na nasa lansangan

Ang mahal mong ina'y alala ka lamang

Pagka't mahal ka niya't ayaw kang masaktan


Sa mga ina po kami ay saludo

Salamat po sa Dios sa pag-aruga niyo

Bahala po ang Dios gumanti sa inyo

Samaha't ingatan nawa lagi kayo

No comments:

Post a Comment