Isip at panulat pambansang bayani
Doon nagsimulang masambit ng labi
Damaso ang ngalan taong mapang-api
Lobo sa balabal ng pagkukunwari
Araw ni Damaso ay hindi nagwakas
Nang mga Kastila'y nalupig tumakas
Pagka't may iniwan na malaking bakas
Kultong ipinasok sa lagim at dahas
Ang pagkukunwari't kapaimbabawan
Ay nagpapatuloy pa rin sa 'ting bayan
Kung 'yong titingnan parang mga banal
Ngunit sa loob ay pawang mananakmal
Lahi ni Damaso ay mangungunsinti
Hindi sinasaway ang nagkakamali
Kahit mangalunya't lasing araw gabi
Walang pakialam walang sinasabi
Paano sasaway ng mali ng kapuwa
Kung mismong siya ay mali ang gawa
May anak sa lihim di nag-aasawa
Lalabas na lamang pag siya ay patay na
Ang maling paraan ng pagpaparami
Lilong kasangkapan ng panglulugami
Ang sanggol at musmos may gatas sa labi
Wisik na bautismo ay isinasali
Ang pangakong ampaw saserdoteng liko
Kahit habang buhay mabuhay sa bisyo
Pag mamatay na'y magsisi kang buo
Tiyak makakarating daw sa paraiso
Ang kapansin pansing katangian nila
Walang bigong kilos na hindi may upa
Kasal binyag kumpil at kahit patay na
Pagdaan sa kaniya'y magbabayad ka pa
Huwag sanang magalit ang makakabasa
Nawa ay magsilbing pang bukas ng mata
Sa ating panahon ay nabubuhay pa
Diwa ni Damasong mapagsamantala
Sa aral na dala ay makikilala
Mga tinuturo wala sa biblia
Puro na tradisyon ang sinasalita
At nagpapatawag pa sila na ama
Tayo'y kumawala kaniyang tanikala
Nang huwag madamay sa kaniyang parusa
Habang may oras ka't pagkakataon pa
Nasaing maglingkod ng tunay sa Ama
No comments:
Post a Comment