Thursday, June 11, 2015

Kalayaan

Kalayaan


Ang bayang nasadlak sa pagiging api

Nagnasang bumangon damdaming masidhi

Nagbuwis ng buhay ang mga bayani

Nang mabigyang laya itong ating lahi


Ngayong malaya na ay laya na nga ba

Sa pagiging api't alipin ng iba?

Pagka't kung mamasdan tayo ay kawawa

Sa kamay ng sakim sa sariling bansa


Milyon ginagastos makaluklok lamang

Marangal na puwestong pinag-aagawan

Pag nakapuwesto na at nanunungkulan

Gastos binabawi sa kaban ng bayan


Sino ang kikilos upang makalaya

Bayang Pilipinas sa bibig ng buwaya

Pagka't nadarama'y kawalang pag-asa

Sa tuwing nanonood ng mga balita


Lumaya man tayo sa mga banyaga

Ay alipin pa rin ang mangmang at dukha

Salapi na laan mga taong aba

Hayo't ginagamit sa layaw ng iba


Pagkadaming tunay mga sinungaling

Kahit bistado na walang umaamin

Pagka't bawa't isa kung iyong diringgin

Sila'y malilinis at dapat purihin


Kailan nga kaya tunay na lalaya

Sa pagkagupiling mahal nating bansa

Kung mga papalit sa pamamahala

Ay may pusong sakim uhaw sa biyaya


Kung tila gobyerno'y wala nang pag-asa

Makalaya man lang ating kaluluwa

Huwag ka nang lumugmok sa pagkakasala

Sarili'y gamitin sa mabuting gawa

No comments:

Post a Comment