Wednesday, May 31, 2017

Pekeng balita = Fake News (Isang Tula)

Ang dala ay mali't huwad na pag-asa
Kung minsa'y salitang pampatay ng kapuwa
Mga kathang isip at mga hinala
Buong lakas loob ibinabalita

Panulat ng lilo na mamamahayag
Sa pahinang liko ay namamayagpag
Mga parokyano na kaniyang nalambat
Ang maling balita ay ikinakalat

Tayo ay mag-ingat pagdinig pagtanggap
Suriing mabuti mga nakakalap
Pagkat manloloko ngayon ay nagkalat
Kahit sa internet ay lumalaganap

Ang pinakamalala na pekeng balita
Ay bulaang pastor ang may dala-dala
Ampaw na pangakong sa langit pupunta
Habang mga tao'y pinapahamak niya

Monday, May 29, 2017

Gandang Kupas (Isang Tula)

Pambusog ng mata ang taglay na anyo
Ang tingin ng mata at galaw ng nguso
Mapanilong dilag masama ang puso
Ay gandang panglabas ang ipinang-aayo

Ngunit ang babaeng sa Dios ay may takot
Ang ginagayakan pagkataong loob
Ang kanyang katawan ipinaglilingkod
Sa utos ng Dios ay isinusunod

Ang gandang panlabas kusang kumukupas
Pag nagkakaedad rilag ay lilipas
Balat kukulobot dadami ang pekas
Di maitatago kahit mag-alahas

Huwag kang pabighani gandang panandali
Kung ayaw mong ika'y sa bitag mahuli
Lalo't kagandaha'y sa pinta binuli
Gumaganda lamang kapag gumagabi

Simple at natural iyan ang maganda
Di pilit na gandang produkto ng siyensiya
Padagdag ng ilong pabawas ng hita
Buwis buhay na ganda wala namang kuwenta

Huwag gawing basehan ang gandang panlabas
Kundi kagandahang hindi namamalas
Kagandahang loob sa puso ay pantas
At di ang babaeng kagandaha'y kupas