Thursday, May 14, 2015

Alak

Alak


Pangatlo sa survey sa lahat ng bansa

Sa lakas lumaklak sa lakas tumungga

Mga Pilipino angat sa banyaga

Pag-inom ng alak hindi papatumba


Hindi masasabing ito'y karangalan

Lalo't Christian country pa mang naturingan

Pagka't nasusulat Kaniyang kasulatan

Maglasing ng alak bawal ng May Lalang


Ang kapansin-pansin siyudad man o nayon

Sadyang pagkadami mga manginginom

Kayod buong araw pagdating ng hapon

Ubos kabuhayan dahil sa pag-inom


Anong buting dulot ng ganiyang gawain?

Di na lang ibili damit o pagkain

Bakit pag lasingan mayro'ng dudukutin

Pambili ng bigas laging nabibitin


Bukod sa gastos lang sakit pa ang dulot

Paglaklak ng alak iyong mapupulot

Pag minamalas ka't nadala ng urot

Patay ka sa taga lasing na nag-amok


Hindi pa ko lasing palusot ng haling

Kahit ang totoo utak napapraning

Pilit lumulusot habang sinasabing

Di bawal uminom, wag lang maglalasing


Tunay na Cristiano hindi naglalasing

Ang ibig magbanal ni di tumitikim

Bakit nga lasenggo marami sa atin?

Pagka't kasulatan di man lang buklatin


Amini't sa hindi mga naglalasing

Nag-iibang tao pag nagugupiling

Pagka't ang alak ay paraan ni taning

Upang mga tao'y guluhi't sirain


Taong matalino ayon sa biblia

Sa daya ng alak di napaiisa

Kaya nga't kung pantas at matalino ka

Sa udyok ng alak ay huwag kang padala


No comments:

Post a Comment