Mag-ingat sa aso
Sa Filipos tres dos yan ang nasusulat
Sa mga aso daw tayo ay mag-ingat
Panahon na ngayon na tayo'y mamulat
Upang makaiwas at hindi makagat
Isaias singkwenta sais at onse po
Ating mababasa kung sino ang aso
Mga ito pala'y pastor ng demonio
Pawang matatakaw at ligaw ang turo
Sa ating panahon ngayo'y nagsulputan
Ang napakaraming pastor na bulaan
Pagka't noon pa man ang sabi ni San Juan
Maraming bulaan noo'y naglitawan
Mga manloloko ay makikilala
Kahit pa biblia rin ang daladala
Kung iyong titigan ay maamong tupa
Nguni't sa loob ay lobong maninila
Ang tapat at hindi ay makikilala
Sa pamamagitan ng aral niyang dala
Kung ang tinuturo wala sa biblia
Iyan ay bulaan dapat mag-ingat ka
Ang isa pang bagay na kapansin pansin
Mga manloloko'y pera ang hangarin
Ginawang negosyo relihiyon sa atin
Lahat ay may bayad pati panalangin
Ang buhay ng isang tapat at totoo
Ay puno ng hirap at pagsakripisyo
Naghahanapbuhay noon si San Pablo
Mga pastor ngayon, pasanin ng miyembro
Sadya kayang ganyan ibang mga tao?
Galit pag nadinig nila ang totoo
Di ba nasusulat naman sa biblia niyo?
Di lang binabasa ng mangangaral mo
Panahon na ngayon na tayo'y gumising
Alikabok ngayon iyo nang pagpagin
Biblia sa bahay iyo nang basahin
Wag idisplay lamang na parang figurin
Dun mo makikita ang palatandaan
Ng isang tapat at ng isang bulaan
Ang relihiyon po ay maselang usapan
Pagka't kaluluwa nakataya riyan
Kung nais subukin at mapatunayan
Sa biblia po ay mayroong paraan
Tanungin mo ngayon iyong mangangaral
Pag mali ang sagot siya ay bulaan
Pagkat ang isang tandang makikita
Ang sa Dios ay laging handa sa tuwina
Na sumagot bawa't itanong sa kaniya
Pangako ng Dios di mapapahiya
Kung tunay ngang tayo ay naniniwala
Na salita ng Dios ay nasa biblia
Di ba dapat ito'y basahin mo tuwina?
Walang iiwasan kahit 'sang talata
Sa wakas po nito ang masasabi ko
Sa mga aso ay mag-iingat tayo
Pagka't nakataya ay kaluluwa mo
Di na mababawi pag napahamak 'to
No comments:
Post a Comment