Sunday, May 17, 2015

Magulang

Magulang

Pagiging magulang ayon sa biblia
Ay di birong bagay dapat matuto ka
Ano ang tungkulin sa anak na sinta
Mapag-aral sila yun ba ay sapat na?

Ang pagkakandili o pag-aaruga
Ay una sa lahat na dapat magawa
Pangangailangan ibigay sa tuwina
At hindi marapat na maging pabaya

Kung ang pag-uusap pangangailangan
'Yay hindi pagkai't pananamit lamang
Kundi mayrong lalong dapat mailaan
Sa anak na sintang pinakamamahal

Hindi sa tinapay lamang mabubuhay
Ang lahat ng taong may hiningang taglay
Kundi nga sa bawat salita ng Diyos
At sa pagsunod sa Kaniyang mga utos

Ito ang tungkulin na pagkadakila
Ng isang magulang sa anak na sinta
Aral ng May Lalang ituro sa kaniya
Nang siya'y makarating buhay walang hangga

Ang bawat bata ay mayrong kaluluwa
Na tungkulin nating maingatan tuwina
Kung di tuturuan ng gawaing tama
Kalul'wa'y sasama't mapapariwara

Kaya nga marapat habang maliit pa
Maturuang lubos ang musmos na bata
Palong minsan minsan ay hindi masama
Huwag lamang paluing halos mamatay na

Ang sabi ng ibang aking kakilala
Di niya pinapalo ang mga anak niya
Nguin't ang ganito'y labag sa biblia
Pagka't ang parusa'y pag-ibig sa kaniya

Pag ang bata'y hindi nasaway nang tama
Ang kalalakhan niya ay masamang gawa
At kung malaki na ay magsisi ka
Pagka't di na kayang turuan pa sila

Upang ang pagsaway ay maging mabisa
Ikaw ang maunang sumunod gumawa
Upang kung iyong ituro sa bata
Siya ay susunod sa 'yong halimbawa

Mahirap sabihin ng ama sa bata
Na huwag maglalasing kung lasenggo siya
Pagka't pagtuturo'y nagiging mabisa
Kung ikaw muna ang susunod hindi ba?

Ang kayamanan pong mabuting tipunin
At maibigay sa mga anak natin
Di mananakaw ninoman sa atin
Ang yaman sa langit siyang dapat nasain

Kung sa mundong ito ang laan mo lamang
Pera damit bahay, pawang pang-mundo lang
Nguni't kung sa aral ang bata'y mayaman
Babaunin niya hanggang kalangitan

Sa wakas po nito ang masasabi ko
Ang regalo ng Dios pakamahalin niyo
Nang hindi malulong sa layaw at bisyo
At sa kalangita'y magkasama kayo


No comments:

Post a Comment