Thursday, June 11, 2015

Kalayaan

Kalayaan


Ang bayang nasadlak sa pagiging api

Nagnasang bumangon damdaming masidhi

Nagbuwis ng buhay ang mga bayani

Nang mabigyang laya itong ating lahi


Ngayong malaya na ay laya na nga ba

Sa pagiging api't alipin ng iba?

Pagka't kung mamasdan tayo ay kawawa

Sa kamay ng sakim sa sariling bansa


Milyon ginagastos makaluklok lamang

Marangal na puwestong pinag-aagawan

Pag nakapuwesto na at nanunungkulan

Gastos binabawi sa kaban ng bayan


Sino ang kikilos upang makalaya

Bayang Pilipinas sa bibig ng buwaya

Pagka't nadarama'y kawalang pag-asa

Sa tuwing nanonood ng mga balita


Lumaya man tayo sa mga banyaga

Ay alipin pa rin ang mangmang at dukha

Salapi na laan mga taong aba

Hayo't ginagamit sa layaw ng iba


Pagkadaming tunay mga sinungaling

Kahit bistado na walang umaamin

Pagka't bawa't isa kung iyong diringgin

Sila'y malilinis at dapat purihin


Kailan nga kaya tunay na lalaya

Sa pagkagupiling mahal nating bansa

Kung mga papalit sa pamamahala

Ay may pusong sakim uhaw sa biyaya


Kung tila gobyerno'y wala nang pag-asa

Makalaya man lang ating kaluluwa

Huwag ka nang lumugmok sa pagkakasala

Sarili'y gamitin sa mabuting gawa

Wednesday, June 3, 2015

Biblia

BIBLIA


Sa ibang tao siya'y dekorasyon lamang

Sa sulok ng bahay ay matatagpuan

Hindi binabasa o binubuklat man

Kaya hindi alam ang tunay na laman



Mayrong mga iba nagbabasa naman

Ngunit pinipili paniniwalaan

Pag sa isang sitas siya ay tatamaan

Kunwari di na lang niya napagmasdan



At napakalala ginawa ng iba

Ginawang kalakal sa Dios na salita

Nangangaral sila sa layong kumita

Sukdulang magligaw libong kaluluwa



Magbasa po tayo aming paanyaya

Upang sa relihiyon huwag nang maligaw pa

Dios ang nagpasulat kaya't mahalaga

Basahi't nilayin laman ng biblia



Kung tunay na tayo ay naniniwala

Na ang biblia ay galing sa Dios Ama

Marapat ukulan pagpapahalaga

Maglaan ng oras na ito'y mabasa

Bisyo

Bisyo


Ang buhay sa mundo ay maiksi lamang
Sa gawaing mali di dapat masayang
Kundi sa paggawa na may pakinabang
Ang oras at lakas ating mailaan

Bakit sasayangin sa layaw at bisyo
Ang pagkakataon na bigay Niya sa 'yo?
Ang katotohanan ay papanaw tayo
Ikaw ba'y handa na sa pagdating nito

 Katwiran ng iba na nagpapabaya
Magpakaligaya habang siya ay bata
Na para bang siya'y maraming oras pa
At araw ng bukas ay sigurado siya

Eh pano kung ika'y mabundol mabangga
Masaksak ng adik o mabagok kaya
Hindi natin tiyak kung kailan daratal
Araw ng pagpanaw at pamamahinga

Kung kaya't ang payo niyaring kasulatan
Ay samantalahin ang kapanahunan
Gugulin ng tama ang 'yong kabataan
Ang Dios na may lalang ay mapaglingkuran

Alak sugal drugs at iba pang bisyo
Pawang gastos lamang at sakit ng ulo
Sa mga ito ba'y magpapakaloko?
Mapapanganib pa ang kaligtasan mo

Mabubuhay naman kahit walang bisyo
Lumaki nga tayong walang mga ito
Kaya lang naadik pilit ginusto mo
Alak na mapait na sinusuka mo

Kung ikaw ay tunay na Cristiano kamo
Ang salita ng Dios dapat tuparin mo
Siya ang nagsabing masama ang bisyo
Ano na naman ang mga palusot mo???

Totoo na may Dios at Sya'y may kalooban
Na dapat magawa ng bawa't nilalang
Kung dededmahin mo't pababayaan lang
Baka ka mabilang sa parurusahan

Monday, June 1, 2015

Damaso

Damaso
Isip at panulat pambansang bayani
Doon nagsimulang masambit ng labi
Damaso ang ngalan taong mapang-api
Lobo sa balabal ng pagkukunwari

Araw ni Damaso ay hindi nagwakas
Nang mga Kastila'y nalupig tumakas
Pagka't may iniwan na malaking bakas
Kultong ipinasok sa lagim at dahas

Ang pagkukunwari't kapaimbabawan
Ay nagpapatuloy pa rin sa 'ting bayan
Kung 'yong titingnan parang mga banal
Ngunit sa loob ay pawang mananakmal

Lahi ni Damaso ay mangungunsinti
Hindi sinasaway ang nagkakamali
Kahit mangalunya't lasing araw gabi
Walang pakialam walang sinasabi

Paano sasaway ng mali ng kapuwa
Kung mismong siya ay mali ang gawa
May anak sa lihim di nag-aasawa
Lalabas na lamang pag siya ay patay na

Ang maling paraan ng pagpaparami
Lilong kasangkapan ng panglulugami
Ang sanggol at musmos may gatas sa labi
Wisik na bautismo ay isinasali

Ang pangakong ampaw saserdoteng liko
Kahit habang buhay mabuhay sa bisyo
Pag mamatay na'y magsisi kang buo
Tiyak makakarating daw sa paraiso

Ang kapansin pansing katangian nila
Walang bigong kilos na hindi may upa
Kasal binyag kumpil at kahit patay na
Pagdaan sa kaniya'y magbabayad ka pa

Huwag sanang magalit ang makakabasa
Nawa ay magsilbing pang bukas ng mata
Sa ating panahon ay nabubuhay pa
Diwa ni Damasong mapagsamantala

Sa aral na dala ay makikilala
Mga tinuturo wala sa biblia
Puro na tradisyon ang sinasalita
At nagpapatawag pa sila na ama

Tayo'y kumawala kaniyang tanikala
Nang huwag madamay sa kaniyang parusa
Habang may oras ka't pagkakataon pa
Nasaing maglingkod ng tunay sa Ama