Lisensiyang nakuha sa daya ng pera
Udyok ng tiwali sa likong ahensiya
Di na kailangang ika'y subukin pa
Mapag-uusapan sa tamang halaga
Di na kailangang ika'y subukin pa
Mapag-uusapan sa tamang halaga
Masamang epekto, ganitong gawain
Ay sa mismong araw hindi mapapansin
Kundi sa paglabas opisinang sakim
Panganib na taong pagmamanehohin
Maraming kamote ngayon sa kalsada
Na nagsisibiyahe kahit di pumasa
Sa batas trapiko ay bobo at tanga
Mabibisto na lang pag nakadisgrasya
Matagal nang korap naturang tanggapan
Ilang namumuno nasa kadiliman
Tanging iniisip pagkakakitaan
Pambili sa plaka, di na matagpuan
Kailan titino ang ating kalsada
Kung di magbabago nagpapalisensiya
Hanggang may kawatan mahirap umasa
Na titino agad ang ating sistema
Ang ating pag-asa sila'y makonsiyensiya
Ngayong sunod-sunod ang mga disgrasya
Batang naulila't amang nagluluksa
At mga kaaanak na nagdaralita
No comments:
Post a Comment