Tuesday, May 6, 2025

Tsismis (Isang tula)

Ang dala ng taong budhi ay masama
Ng hatid dumapit makati ang dila
Ay kabulaanan at pekeng balita
Masarap na subo sa taingang nadaya

Ang mga tsismoso kung mangagsalita
Sila ang magaling lahat ay masama
Laging bukambibig ay pintas sa kapuwa
Ang sariling dumi ay kubli sa madla

Tunay na walang matuwid sa lupa
Gumawang mabuti't di nagkakasala
Nguni't mga tabil ang kalkal sa tuwina
Ay sablay ng iba at maling nagawa

Ang Diyos na sakdal di nagkakasala
Marunong lumimot ng sa taong sala
Kapag pinatawad nilimot na Niya
At di na muling inaalala pa

Sa kabilang banda ang hatid dumapit
Ang mali ng iba, pilit binabalik
Nag-iimbento pa ng kuwentong pilipit
Sa pagsasalita ay galit na galit

Ang mga tsimosa ay naghihiwalay
Magkakaibigan ay pinag-aaway
Huwag tayong pumayag na maging kaaway
Ang Dios na sa 'ti'y nagbibigay buhay

Saan ka dadalhin dilang tampalasan
Kung sa paninira ika'y mananangan
Ang kahihinatnan ay kapahamakan
Kapag nahiwalay sa Dios na bayan


No comments:

Post a Comment