Wednesday, May 14, 2025

Ba't Ako? (Isang tula)

 'Bat ako, bat ako?' ang sagot sa nanay
Batang nautusan sa gawaing bahay
Ang inang napagod paghahanapbuhay
Ang apuhap lamang ay munting karamay

Ano nga bang sagot sa tanong na ito?
Matamang pakinggan, makinig, matuto
Upang sa susunod, may iutos sa iyo
Ay 'di sumimangot, tumulis ang nguso

Alamin mo ito, ikaw ay tatanda
Darating ang araw, ay mauulila
Ngunit kung sa bahay, 'di alam gumawa
Ikay mamaho na nakatunganga

Gamitan mo na lang ng kaunting awa
Mga magulang mong hapo sa paggawa
Gising ng maaga uuwing gabi na
At magulong bahay ang mararatnan pa

Darating ang araw ikaw ay bubukod
Kung mag-aasawa o kaya'y aabroad
Kung hindi natutong sa bahay kumilos
Ang sasapitin mo ay kalunoslunos

Ang ika'y matuto munting obligasyon
Maglinis, magluto maglabang pantalon
Mga kaalamang iyong mababaon
Iyong magagamit sa habang panahon

Kaya't sa susunod na ika'y utusan
"Bat ako, 'bat ako? ay huwag nang maturan
Matutong magkusa nang pakinabangan
At makalugod ka sa iyong magulang

No comments:

Post a Comment