Ang buhay sa mundo ay mayrong dahilan
Kaya ka nilikha ay may gagampanan
Atas ng Dios Amang Makapangyarihan
Inalam mo na ba kung saan ka laan?
Mayrong mga taong nabuhay sa mundo
Na nangamatay na hindi napagtanto
Ano ang gagawin bilang isang tao
Nangamatay sila sa layaw at bisyo
Ikaw kababayang nakapakinig na
Dalisay na aral ng ating Dios Ama
Sa Kaniyang salita'y tinatawag ka Niya
Ang tinig ng Dios ay dinggin mo sana
Tinatawag ka Niya upang maging lingkod
Sa kalooban Niya tayo ay sumunod
Sa layaw ng buhay tayo'y tumalikod
Sundin ang utos Niya ng buo mong loob
Huwag kang mag-alala kung magagalit man
Mga kaibigan at kamag-anakan
Sapagka't doon mo mapatutunayan
Na mahal mo ang Dios higit kaninoman
Kung nangangamba kang baka di masunod
Mga kautusan at aral ng Dios
Ay magtiwala kang tutulungang lubos
Nang iyong matupad Kaniyang mga utos
Habang may oras pa'y matanggap mo sana
Banal na bautismong itinuro Niya
Dahil kung ika'y patumpik tumpik pa
Pinto'y magsasara ika'y di nasok na
Sa iglesia ng Dios Siya tumatawag
Iglesiang sinulat ng mga alagad
Pag naramdaman mo ang Kaniyang pagtawag
Ika'y magmadali at sumunod agad
No comments:
Post a Comment