Thursday, June 12, 2025

Maiksi Lang ang Buhay (Mahabang tula para sa mga kabataan)

Mga kabataan dinggin niyo't pakinggan
Ito'y isang bagay na dapat malaman
Ito ay patungkol sa kapanahunan
Isipin mo ito't nang maintindihan
 
Ang buhay sa mundo ay sandali lamang
Oras lumilipas, di namamalayan
Ang ngayon bukas ay kahapon na lamang
Dumaang mabilis nang hindi mo alam
 
Kaya kabataan huwag nating sayangin
Ang bawat sandali na bigay sa atin
Ang bawat oras mo'y sa tama gamitin
Sa pagkakatulog ikaw ay gumising
 
Habang may panahon ay iyong mahalin
Ang mga magulang lumingap sa atin
Sa kanilang edad huwag nang pighatiin
Sa tigas ng ulo'y huwag dalamhatiin
 
Alalahanin mo mga hirap nila
Sa pagaaruga mula pagkabata
Sa araw at gabi'y laging alaala
Di mapagkatulog noong may sakit ka
 
Ang bawa't pagod sa paghahanapbuhay
Ang mahal na anak sa isip ang taglay
Ang tanging pangarap bago man humimlay
Ang sintang anak ay maayos ang buhay
 
Kaya kapatid ko dinggin mo ang payo
May katotohonang dapat mong matanto
Pansamantala lang ang buhay sa mundo
Ibuhos na ngayon ang pagmamahal mo
 
Di mo kailangang lahat ay subukin
Bisyo kasamaan at kalayawan din
Sa mga ito ay walang buting kamtin
Sa huli'y sarili din ang sisisihin
 
Sana'y piliin mo mga kabarkada
Tiyakin na mabuti impluwensiya nila
Sapagka't kung hindi'y mapapariwara
Sakit at hinagpis sa aba mong ina
 
Pahalagahan mo ang mas mahalaga
Dios una sa lahat saka ang pamilya
Ano bang puhunan ng yong kabarkada
Nang pinalaki ka'y may ambag ba sila?
 
Subalit ang ating ama't ating ina
Buhay pinuhunan nang mapalaki ka
Alalahanin mong nacaesarian pa siya
Maluwal ka lamang siya ay nagdusa
 
Ngayon nga na ika'y sadyang malaki na
Ang pakiusap ko'y tulungan mo sila
Pangarapin mo ring sila'y gumihawa
Wag nang pasakitan sa paglalakwatsa
 
Pusa man kung wala ay hinahanap din
Ang anak pa kayang pinakagigiliw
Kung gagabihin ka ay iyong sabihin
Nang di mag-alala at ika'y isipin
 
Pagbutihan mo ang iyong pag-aaral
At kung tapos ka na ay maghanapbuhay
Wag mong sasayangin ang buhay mong taglay
Dahilan lamang sa walang kuwentang bagay
 
Pag-inom ng alak paninigarilyo
Ika'y walang buting makukuha dito
Sakit lang sa bulsa at sakit ng ulo
Kung mamalasin pa'y masangkot sa gulo
 
Natural sa tao na siya'y suminta
Pilit mang pigilin darating talaga
Pakiusap ko lang sana'y magsabi ka
Upang kami sa 'yoy makapagpaalala
 
Isipin mong lahat ng sinasabi ko
Sundin mo ang lahat na sa yo ay payo
Mapapabuti ka yan ang tandaan mo
Kung tatalima ka't lalayo sa gulo
 
Maiksi ang buhay sa mundong ibabaw
Tao’y lilipas at pagdaka’y papanaw
Haharap sa Dios kapag huhukuman
Bawat mong ginawa ay pagsusulitan

No comments:

Post a Comment