Thursday, June 12, 2025

Sugal (Isang tula)

Bisyong walang kuwenta at napakasama
Pagsasapalaran, pagsugal, pagtaya
Doon tinatapon maghapong biyaya
Asang mananalo at biglang titiba

Mga nagnanasa ng dagling pagyaman
Ay kapahamakan ang kahihinatnan
Pagka't iniimbot di pinaghirapan
At isinusugal ang pinagpagalan

At mayroon naman sobrang kahayukan
Ang pinangtataya ay pinangungutang
Sukdulang manloko makahuthot lamang
Ng ipatatalo doon sa sugalan

Sa panahon ngayon ay lalong madali
Na makapagsugal, mabuyo matali
Pagka't online sugal madaling sumali
Maghapong kinita doon nauuwi

Ang mga casino't iba pang sugalan
Malaking nagosyo, milyon ang kitaan
Ay nakadisenyo upang kaadikan
Habang inuubos iyong kayamanan

Para huwag mabuyo huwag mo nang simulan
Lakad ng masama ay huwag tutularan
Gumawang marangal, patas na lumaban
At ang pagsusugal ay iyong ilagan

No comments:

Post a Comment