Tuesday, May 19, 2015

Magnanakaw

Magnanakaw


Yaong kumukuha ng laan sa iba

Oras, pera, gamit, na hindi sa kaniya

Mga taong hilig ay magsamantala

Kaniyang mga kamay ay ayaw igawa


Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa

Bagkus ay magpagal magsikap gumawa

Kung nais tumulong mag-abot sa aba

Galing sa mabuti hindi sa masama


Ngunit mga taong gusto'y biglang yaman

Atim nilang kunin ang pinagpagalan

Perang dugo't pawis na ambag sa bayan

Hayu't ninanakaw ng punong gahaman


At mayro'n din namang nakaw na sandali

Asawa ng iba'y pilit nilalandi

Para sa pamilya'y sa halay nauwi

Si misis number 1 mayro'n nang kahati


Mayroon din naman dangal ninanakaw

Ang obra ng iba'y kaniyang inaagaw

Kahit hindi siya nag-isip gumalaw

Papuri'y sa kaniyang may pusong halimaw


Isa pang malala na uring kawatan

Dahil lang sa cellphone, kotse o pera man

Handa siyang pumatay taong walang laban

May konsiyensiya pa ba mga taong ganiyan


Mga nagtutulak ng gamot na bawal

Ninanakaw nila ay kinabukasan

Kabataang hayok mula nang matikman

Buhay ay nawasak ayaw nang tigilan


Ngunit ang ugat ng lahat ng ito

Pagkat mga tao ay kulang sa turo

Pagkat magnanakaw pastor at minsitro

Ang salita ng Dios ay di tinuturo


Kaya't paanyaya'y basahi't pakinggan

Ang salita ng Dios nasa kasulatan

Upang makaiwas pagiging gahaman

Nang di ka matulad sa mga kawatan

Sunday, May 17, 2015

Magulang

Magulang

Pagiging magulang ayon sa biblia
Ay di birong bagay dapat matuto ka
Ano ang tungkulin sa anak na sinta
Mapag-aral sila yun ba ay sapat na?

Ang pagkakandili o pag-aaruga
Ay una sa lahat na dapat magawa
Pangangailangan ibigay sa tuwina
At hindi marapat na maging pabaya

Kung ang pag-uusap pangangailangan
'Yay hindi pagkai't pananamit lamang
Kundi mayrong lalong dapat mailaan
Sa anak na sintang pinakamamahal

Hindi sa tinapay lamang mabubuhay
Ang lahat ng taong may hiningang taglay
Kundi nga sa bawat salita ng Diyos
At sa pagsunod sa Kaniyang mga utos

Ito ang tungkulin na pagkadakila
Ng isang magulang sa anak na sinta
Aral ng May Lalang ituro sa kaniya
Nang siya'y makarating buhay walang hangga

Ang bawat bata ay mayrong kaluluwa
Na tungkulin nating maingatan tuwina
Kung di tuturuan ng gawaing tama
Kalul'wa'y sasama't mapapariwara

Kaya nga marapat habang maliit pa
Maturuang lubos ang musmos na bata
Palong minsan minsan ay hindi masama
Huwag lamang paluing halos mamatay na

Ang sabi ng ibang aking kakilala
Di niya pinapalo ang mga anak niya
Nguin't ang ganito'y labag sa biblia
Pagka't ang parusa'y pag-ibig sa kaniya

Pag ang bata'y hindi nasaway nang tama
Ang kalalakhan niya ay masamang gawa
At kung malaki na ay magsisi ka
Pagka't di na kayang turuan pa sila

Upang ang pagsaway ay maging mabisa
Ikaw ang maunang sumunod gumawa
Upang kung iyong ituro sa bata
Siya ay susunod sa 'yong halimbawa

Mahirap sabihin ng ama sa bata
Na huwag maglalasing kung lasenggo siya
Pagka't pagtuturo'y nagiging mabisa
Kung ikaw muna ang susunod hindi ba?

Ang kayamanan pong mabuting tipunin
At maibigay sa mga anak natin
Di mananakaw ninoman sa atin
Ang yaman sa langit siyang dapat nasain

Kung sa mundong ito ang laan mo lamang
Pera damit bahay, pawang pang-mundo lang
Nguni't kung sa aral ang bata'y mayaman
Babaunin niya hanggang kalangitan

Sa wakas po nito ang masasabi ko
Ang regalo ng Dios pakamahalin niyo
Nang hindi malulong sa layaw at bisyo
At sa kalangita'y magkasama kayo


Mag-ingat sa aso

Mag-ingat sa aso


Sa Filipos tres dos yan ang nasusulat
Sa mga aso daw tayo ay mag-ingat
Panahon na ngayon na tayo'y mamulat
Upang makaiwas at hindi makagat

Isaias singkwenta sais at onse po
Ating mababasa kung sino ang aso
Mga ito pala'y pastor ng demonio
Pawang matatakaw at ligaw ang turo

Sa ating panahon ngayo'y nagsulputan
Ang napakaraming pastor na bulaan
Pagka't noon pa man ang sabi ni San Juan
Maraming bulaan noo'y naglitawan

Mga manloloko ay makikilala
Kahit pa biblia rin ang daladala
Kung iyong titigan ay maamong tupa
Nguni't sa loob ay lobong maninila

Ang tapat at hindi ay makikilala
Sa pamamagitan ng aral niyang dala
Kung ang tinuturo wala sa biblia
Iyan ay bulaan dapat mag-ingat ka

Ang isa pang bagay na kapansin pansin
Mga manloloko'y pera ang hangarin
Ginawang negosyo relihiyon sa atin
Lahat ay may bayad pati panalangin

Ang buhay ng isang tapat at totoo
Ay puno ng hirap at pagsakripisyo
Naghahanapbuhay noon si San Pablo
Mga pastor ngayon, pasanin ng miyembro

Sadya kayang ganyan ibang mga tao?
Galit pag nadinig nila ang totoo
Di ba nasusulat naman sa biblia niyo?
Di lang binabasa ng mangangaral mo

Panahon na ngayon na tayo'y gumising
Alikabok ngayon iyo nang pagpagin
Biblia sa bahay iyo nang basahin
Wag idisplay lamang na parang figurin

Dun mo makikita ang palatandaan
Ng isang tapat at ng isang bulaan
Ang relihiyon po ay maselang usapan
Pagka't kaluluwa nakataya riyan

Kung nais subukin at mapatunayan
Sa biblia po ay mayroong paraan
Tanungin mo ngayon iyong mangangaral
Pag mali ang sagot siya ay bulaan

Pagkat ang isang tandang makikita
Ang sa Dios ay laging handa sa tuwina
Na sumagot bawa't itanong sa kaniya
Pangako ng Dios di mapapahiya

Kung tunay ngang tayo ay naniniwala
Na salita ng Dios ay nasa biblia
Di ba dapat ito'y basahin mo tuwina?
Walang iiwasan kahit 'sang talata

Sa wakas po nito ang masasabi ko
Sa mga aso ay mag-iingat tayo
Pagka't nakataya ay kaluluwa mo
Di na mababawi pag napahamak 'to

Thursday, May 14, 2015

Alak

Alak


Pangatlo sa survey sa lahat ng bansa

Sa lakas lumaklak sa lakas tumungga

Mga Pilipino angat sa banyaga

Pag-inom ng alak hindi papatumba


Hindi masasabing ito'y karangalan

Lalo't Christian country pa mang naturingan

Pagka't nasusulat Kaniyang kasulatan

Maglasing ng alak bawal ng May Lalang


Ang kapansin-pansin siyudad man o nayon

Sadyang pagkadami mga manginginom

Kayod buong araw pagdating ng hapon

Ubos kabuhayan dahil sa pag-inom


Anong buting dulot ng ganiyang gawain?

Di na lang ibili damit o pagkain

Bakit pag lasingan mayro'ng dudukutin

Pambili ng bigas laging nabibitin


Bukod sa gastos lang sakit pa ang dulot

Paglaklak ng alak iyong mapupulot

Pag minamalas ka't nadala ng urot

Patay ka sa taga lasing na nag-amok


Hindi pa ko lasing palusot ng haling

Kahit ang totoo utak napapraning

Pilit lumulusot habang sinasabing

Di bawal uminom, wag lang maglalasing


Tunay na Cristiano hindi naglalasing

Ang ibig magbanal ni di tumitikim

Bakit nga lasenggo marami sa atin?

Pagka't kasulatan di man lang buklatin


Amini't sa hindi mga naglalasing

Nag-iibang tao pag nagugupiling

Pagka't ang alak ay paraan ni taning

Upang mga tao'y guluhi't sirain


Taong matalino ayon sa biblia

Sa daya ng alak di napaiisa

Kaya nga't kung pantas at matalino ka

Sa udyok ng alak ay huwag kang padala


Tuesday, May 12, 2015

Abroad

Abroad


Abroad ang naisip na huling solusyon

Pinoy na ang nais hirap makaahon

Handa na mawalay mahabang panahon

Huwag lamang pamilya'y mamatay sa gutom


Pangingibang bansa masasabi natin

Tila isang sugal kung limilimiin

Palit sa salaping iyong kikitain

Ay maaring wasak na pamilyang datnin


Mahirap sa loob ika'y mag-alaga

Ng anak ng iba anak ng banyaga

Samantalang bunga ng 'yong bahay bata

Hayo't lumalaking kulang sa kalinga


"Galing yan sa abroad" magandang pakinggan

Sa tingin ng iba'y taong mayayaman

Ngunit hindi lahat buti'ng kapalaran

Pagka't karamihan sakto ang kita lang


Malaking kalaban ng nangibang bansa

Tuksong lumiligid na ibig manira

Pamilyang dahilan kaniyang pagbabata

Dagling nalilimot sa piling ng iba


Bago ka umabroad isiping mabuti

Planuhin din sana ang iyong pag-uwi

Pagka't mayrong ibang dahil sa salapi

Masyadong nasiyahan ayaw nang umuwi


Kung ang pamilya ang sabi mo'y dahilan

Kaya ating bansa ay iyong nilisan

Ang pamilya pa rin sana ang dahilan

Kung ikay babalik sa iyong tahanan

Lindol

Lindol


Tayo ay balisa kapag yumayanig

Lakas ng dagundong ating naririnig

Hindi mo malaman kung saan sasandig

Pagka't namamasda'y totoong panganib


Maaring sa iba ito'y lindol lamang

Normal na paggawa niyaring kalikasan

Ngunit ang paglindol hindi mo ba alam

Ay bunga ng galit ng Dios na lumalang


Kapag lumilindol saglit bumabait

Dagling nalilimot ang poot at galit

Pawang nangangakong hindi na uulit

Wag lamang sa guho siya ay maipit


Ngunit ang malungkot pag nakaligtas na

Agad nalilimot ang pangako niya

Ilang araw pa lang ay balik bisyo na

Matapos sa lindol ay makaligtas siya


Isa sa sinabi na palatandaan

Iba-ibang lugar tiyak na daratnan

Malakas na lindol at mga digmaan

Ang lahat ng ito ating namamasdan


Ang mensaheng dala mga pangyayari

Sana bawa't isa ay magsipagsisi

Pagka't sinalita ay di mababali

Siya ay darating baka ka mahuli

Sunday, May 10, 2015

Ina

Ina


Maging sino ka man, mahirap, mayaman

May pinag-aralan at maging ang mangmang

Isang tiyak na bagay di matututulan

Ikaw ay may ina na pinanggalingan


Ang ika'y lumitaw, mabuhay sa mundo

Utang mo nang loob sa nagluwal sa 'yo

Di ka pina-abort mahal kang totoo

Siyam na buwang nagtiis ng pagdala sa 'yo


Sa pagdadala ng singkad na siyam na buwan

Pagtitiis niya'y di nagtatapos diyan

Sa hirap manganak na pinagdaanan

Siya'y halos nalapit na sa kamatayan


Sa iyong paglabas hirap ay napawi

Lumakas ang loob sa bawat mong ngiti

Sa pag-aaruga at pagkakandili

Tuloy ang tiisin sa bawa't sandali


Anoman ang lagay kaniyang hanapbuhay

Tiyak na nagbabata ang mahal mong nanay

Inang nasa abroad homesick umaaray

Inang house wife naman sa gawaing bahay


Ngayong nagkaisip at malaki ka na

Huwag mo naman sanang dabug-dabugan siya

Kung nagagawa mong igalang ang iba

Di ba't lalo dapat ang mahal mong ina?


Pinakamabuting iyong magagawa

Idalangin tuwina ang kalagayan niya

Pagka't ang Amang Dios na dakila

Sakdal na kalinga Kaniyang magagawa


Huwag kang magtatampo kung pagwiwikaan

Kung ginagabi ka na nasa lansangan

Ang mahal mong ina'y alala ka lamang

Pagka't mahal ka niya't ayaw kang masaktan


Sa mga ina po kami ay saludo

Salamat po sa Dios sa pag-aruga niyo

Bahala po ang Dios gumanti sa inyo

Samaha't ingatan nawa lagi kayo