Sa ating panahon ay may naglitawan
Ayaw maniwalang may Dios na lumalang
Na lahat ng bagay lumitaw na lamang
Na walang gumawa at aksidente lang
Pag aksidente ang pag-uusapan
Karaniwang pangit kinahihinatnan
Ngunit masdan mo mundo't kalawakan
Pawang nakaayos at pinag-isipan
Kung mayroong Dios ano ang pruweba?
Na Sya'y umiiral 'di man nakikita
Sa pamamagitan Kaniyang mga gawa
Mapatutunayang may Dios na Lumikha
Sa 'ting pagmamasid huwag ka nang lumayo
Tingnan mo't pagmasdan katawan mo't anyo
Sangkap ng katawan nasa tamang puwesto
Ang pagkakalagay ay sadyang pinlano
Masdan mo ang kilay saan makikita?
Inilagay ng Dios sa taas ng mata
Upang kung pawisan ay mayro'ng sasangga
Sapagka't kung wala sa pawis hilam ka
At gayon di naman ang mga daliri
Hindi pantay-pantay ang pagkakayari
Nguni't pag dadampot susubo ng kanin
Ay pantay-pantay na upang ipangkain
Tingnan mo ang mga puno at halaman
Carbon Dioxide ang kinakailangan
Ay nagpapalabas ng oxygen naman
Na kailangan naman tao at hayop man
Ang layo sa araw nitong ating mundo
Hindi sobrang lapit hindi sobrang layo
Kundi sakto lamang na mabuhay tayo
At may atmosperang proteksiyon ng tao
Ang mga bituin at mga planeta
May batobalaning pangontrol distansya
Ang mga ito ay di nagkakabangga
Pagka't nakaayos ang pagkakaporma
Tayong abang tao ay walang dahilan
Pilit mang itanggi piling mang tutulan
Mga gawa ng Dios pruweba't saligan
Na Siya'y umiiral Makapangyarihan
Mayro'ng isang tao isang atheista
Ang kaniyang nasambit nang mamatay na
Oh Dios ko, Oh Dios ang naisigaw niya
Bago niya hingit ang kaniyang hininga
Kaya nga samantalang may pagkakataon
Sumampalataya, maglingkod tumugon
Pagka't magsusulit du'n sa paghuhukom
Ang di kikilala sa ti'ng Panginoon