Mahalagang bagay ang tila nawala
Sa maraming tao'y di na masambitla
Pawang malulupit sa gawa't salita
Nawaglit sa puso ang salitang "awa"
Ito ay panganib na pinagpauna
Sa kasulatan ay ating makikita
Mga huling araw ay maglilipana
Mga walang habag malupit sa kapuwa
Yaong meron na siyang marami't sagana
Ay iniimbot pa ang lupa ng iba
Komo tuso at matalino siya
Pinekeng papeles ang pinangdaraya
Ang habag sa kapuwa'y napakahalaga
Upang tayo nama'y kaawaan Niya
Pagka't paghuhukom ay wala nga'ng awa
Du'n sa mga hindi nagpakita ng awa
Kung ibig nga nating tayo'y panahanan
Pag-ibig ng Ama ay ating makamtan
Ay huwag magkait sa nangangailangan
At makapag-abot sa da-pat tulungan
Kaya nga't ang aral sa mga mayaman
Huwag maging pag-asa ay ang kayamanan
Sa mabuting gawa ay maging mayaman
Nang tunay na buhay ay ating makamtan
Laking kapalaran tunay makakamtan
Ng mga sa dukha ay may awang laan
Pagka't mga ito'y muling babayaran
Ng Dios na tapat na Siyang Lumalang